SSS, nakakolekta ng higit P200k mula sa RACE Campaign sa Batangas

ofw international

LIPA CITY, Batangas — Isang buwan makalipas ang isinagawang Run After Contribution Evaders (RACE) Campaign sa isang shopping mall sa Lipa, Batangas, nakakolekta ang Social Security System (SSS) ng higit P200,000 mula sa anim na delingkwenteng employers na nakatanggap ng Show Cause Order.

Sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc na nagagalak ang SSS dahil sa nakolektang P219,508.09 at umaasang mas taas pa ang bilang ng employers na susunod na sa patakaran ng ahensya.

“Nais namin pasalamatan ang employers dahil sa mabilis nilang aksyon sa aming babala. Nakarehistro na ang kanilang negosyo at empleyado sa SSS at binayaran na rin ang kanilang pinansyal na obligasyon. Ito na sana ang simula ng aming magandang relasyon para makapagbigay ng social security protection sa aming mga miyembro,” sabi ni Dooc.

Sa ngayon, anim sa 11 employers ang tumugon sa Show Cause Orders na ipinaskil ng RACE Team sa kanilang tindahan noong Marso 9.

Binayaran ng Johan Marlo Food Enterprise at Redberry Trading ang kanilang kabuuang obligasyon sa SSS na nagkakahalaga ng mahigit P158,000. Samantala, nagbigay ng paunang bayad na nagkakahalaga ng P19,707 ang Diandra Denise Botique matapos sumailalim sa installment scheme.

Nakarehistro na rin sa SSS ang Charles and Patty Food Products, Maritonee’s Snack House at Swiss Sushi Food Corner. Binayaran na rin nila ang kabuuang halaga ng kontribusyon pati na rin ang naipong multa na umabot sa halos P26,500.

“Hinihikayat namin ang employers na ipagpatuloy ang magandang gawain na ito sa pamamagitan ng pagsunod sa obligasyong naaayon sa batas para makapagbigay kami ng benepisyong nararapat sa ating manggagawa,” sabi ni Dooc.

Kahit nakatanggap na sila ng Show Cause Orders, hindi pa rin nakipag-ugnayan sa SSS Lipa ang limang delingkwenteng employers gaya ng TV Llanes Lotto Outlet, Buenviaje Ana Virginia Marie Rodriguez, Four Coolitz Enterprises, Chriki Colleczione Corporation at Elisse Fashion Corporation para ayusin ang nakabinbin nilang obligasyon sa SSS.

Binanggit din ni Dooc na gagawa ng legal na aksyon ang SSS laban sa employers na hindi sumagot sa Show Cause Order na ipinaskil sa kanilang tindahan sa loob ng 15 araw.

“Nagpadala na kami ng demand letters sa employers na bigong sumagot sa Show Cause Order. Pero wala naman dapat ipa-galala ang mga miyembro dahil patuloy namin silang babantayan hanggang sumunod sila sa kanilang obligasyon sa SSS,” sabi ni Dooc.

Sa ilalim ng Social Security Act of 1997, mahahatulan ng hanggang 12 taong pagkakabilanggo ang employers na napatunayang nagkasala dahil sa paglabag sa SS Law. Hihilingin din ng Korte na bayaran ng employer ang kabuuang halaga ng obligasyon at naipong multa.

SSS MEDIA AFFAIRS DEPARTMENT
(02) 9206401 local 5050, 5052-55, 5058
7th floor SSS Building, East Avenue,
Diliman, Quezon City

About the Author

Kung ikaw ay Overseas Filipino Worker (OFW), migrant worker, o may kamag-anak na nasa ibang bansa, this is your online community. Sa OFW International mo mababasa ang teleserye ng buhay OFW na nakaka-inspire, nakakaiyak at nakakatawa. Nandito din ang mga OFW stories ng pakikipagsapalaran para maabot ang pangarap at mga pagtitiis para mabigyan ng magandang buhay ang pamilya na naiwan sa Pilipinas.

Comments

comments

Find out More