Mababang Hukuman ng Quezon City hinatulan ang may-ari ng store

ofw international

Mababang Hukuman ng Quezon City hinatulan ang may-ari ng convenience store

Hinatulan ng Mababang Hukuman ng Quezon City Branch 97 ang may-ari ng convenience store dahil sa hindi nito pagbabayad ng buwanang kontribusyon ng mga empleyado nito, isang paglabag sa Republic Act 8282 o Social Security Act of 1997.

Sinabi ni SSS President and Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc na si Elvira C. Sembrano ay nahatulan ng korte ng pagkakakulong ng anim na taon at isang araw at pinagbabayad ng multa na nagkakahalaga ng P20,000.

“Maliban sa pagkakakulong at multa, inobliga din ng korte si Sembrano na magbayad ng mahigit P691,000 na halaga ng kontribusyon na kinuwenta hanggang katapusan ng Enero 7, 2013 na may kasamang tatlong porsyentong penalty hanggang sa mabayaran ang nasabing kontribusyon,” paliwanag ni Dooc.

Base sa desisyon, nagpadala ang SSS ng billing letter kay Sembrano na naglalaman ng halaga ng kontribusyon at penalty na dapat niyang bayaran. Dahil sa hindi pagbabayad ni Sembrano sa kanyang obligasyon sa SSS, pinadalhan siya ng demand letter sa kanyang opisina sa Anonas Street at natanggap ito ng isa sa kanyang mga empleyado.

Maraming beses ding binigyan ng pagkakataon ng SSS si Sembrano na ayusin ang kanyang pagkakautang subalit dahil sa kanyang hindi pagdalo sa nakatakdang pagdinig noong Marso 26, 2016, naglabas ang korte ng warrant of arrest laban sa kanya.

“Binigyan si Sembrano ng pagkakataon para bayaran ang kanyang obligasyon subalit sa halip na gawin ang kanyang responsibilidad, siya ay nagtago. Subalit hindi titigil ang SSS sa paghabol sa kanya upang mabayaran ang kontribusyon ng kanyang mga empleyado,” sabi ni Dooc.

Habang isinusulat ang artikulong ito, si Sembrano ay hindi pa nahuhuli. “Humihingi kami ng tulong sa mga dating empleyado ni Sembrano at sa publiko na agad ipagbigay-alam sa SSS ang kanyang kinaroroonan o anumang impormasyon ukol dito upang siya ay agad na maaresto,” sabi ni Dooc.

SSS MEDIA AFFAIRS DEPARTMENT
(02) 9206401 local 5050, 5052-55, 5058
7th floor SSS Building, East Avenue,
Diliman, Quezon City

About the Author

Kung ikaw ay Overseas Filipino Worker (OFW), migrant worker, o may kamag-anak na nasa ibang bansa, this is your online community. Sa OFW International mo mababasa ang teleserye ng buhay OFW na nakaka-inspire, nakakaiyak at nakakatawa. Nandito din ang mga OFW stories ng pakikipagsapalaran para maabot ang pangarap at mga pagtitiis para mabigyan ng magandang buhay ang pamilya na naiwan sa Pilipinas.

Comments

comments

Find out More